![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEho_PgNJ_PoEQxazKKYLMI3pLw2mt6h9wXP9xgzx9BmvZvtCzzz4O3xg0Or47s0UtZVtuiZP8cLMTcmPPCtns4WMYHO8negaewczZKVvVcJW2kdcUw687et_Guf0_0Y-XOa8Yo9JNXlP-0/s320/Takipsilim.jpg)
Magtatakip-silim nang muli at ni hindi ko man lang nabanaagan ang bukang-liwayway, marahil siguro dahil sa ayaw mo talagang ibigay ang matingkad at makulay na papawirin ng umaga sa akin. Pilit kong inaapuhap sa aking sarili na kahit papano ay may lugar at espasyo kong kakaunti sa matigas at malamig mong puso na tila pinatigas ng madilim na kahapon. Dati akala ko ako na ang pinakamatigas ang puso dahil mistulang halimaw ang aking kaibuturan, ni hindi ko pinakikita at pinararamdam ang sayang dulot ng umaga. Isa kong bangungot sa pusong walang kalaban-laban. Pero ika nga nila dadating ang oras at malalaman mo kung paano mo papahalagahan ang damdamin ng ibang tao, at dadating din sa puntong handa mong ialay ang buo mong pagkatao, hindi dahil sa gusto mo lang na magustuhan ka nya kundi dahil alam mo sa sarili mo na karapat-dapat naman na gustuhin siya. Andun na ako sa puntong iyon at sa pagdating mo sa buhay ko, nais ko muling subukan tanglawan ang liwanag sa aking puso. Ngunit sadya atang madamot ang tadhana sa akin. Dahil kahit kaunti ay hindi ko nasilayan sa mga mata mo kung ano ako sayo. Marahil dahil sa wala akong dapat makita at maramdaman sa pusong binalot ng sintigas ng bato. Nais ko sanang bumangon sa pagkakadapa ko sayo, pero hindi ko alam kung paano at saan ako magsisimula, dahil alam ko sa sulok ng puso ko inaasam ko pa din na sana akin ka at iyo ako...Nakakalungkot isipin na tila pinagdamutan ako ng kapalaran at sa mumunting hibla ng utak ko umaasa ako na kahit papano nasa isang sulok lang ako ng puso at isipan mo...Sana sa muling pagsikat ng araw mabanaagan na kita at hindi ko na sana muling makita ang pagsapit ng dilim...